HomeTopNews Philippines

“Direk Jun Lana, umaasa na magugustuhan ng manonood ang ‘The Panti Sisters’”

Umaasa si Direk Jun Lana na mae-entertain ang audience sa pelikula niyang The Panti Sisters na mapapanood simula September 13 bilang isa sa mga pelikulang kalahok sa Pista ng Pelikulang Pilipino.

Ang The Panti Sisters ay pinagbibidahan nina Paolo Ballesteros, Christian Bables at Martin del Rosario. Handog ito ng Idea First Company at Black Sheep.

Ani Direk Jun, “Sana nga magustuhan nila at mag-enjoy sila sa movie. Kasi talagang pinaghirapan namin ito at pinaganda para sa mga taong manonood sa Pista ng Pelikulang Pilipino. Kasi siyempre, hindi mo rin minsan alam ang timpla ng mga tao, di ba?

“Happy lang kami sa mga taong nagsasabing excited na silang mapanood ang pelikula namin dahil sa trailer pa lang daw ay tawa na sila nang tawa.”

Tama nga naman si Direk Jun dahil sa ginanap na premiere night ng pelikula nitong Martes, September 10, ay naghagalpakan sa tawa ang mga tao at na-enjoy nila nang sobra ang The Panti Sisters.

Ipinagmamalaki rin ng director na magaling talaga ang kanyang cast na nakatulong nang malaki para mas mapaganda ang pelikula.

“Ang gagaling ng mga artista ko kaya ang saya-saya ko. Kahit mahirap yung shoot nag-e-enjoy ka pa rin kasi magaan yung mga katrabaho mo. Kasi kumpara sa Die Beautiful parang times three ito dahil tatlo silang nagdadamit babae, tatlo ang kailangang makeup-an.

“Matagal ang hintayan sa set. Ang daming kailangan ayusing mga detalye, they all have to look beautiful and the same time mas malalaki yung mga eksena dahil ang daming cast, eh. Bawat isa may moments, may set pieces na kailangang kunan, kaya medyo doon ako nalulula. But I think it’s worth it dahil ang gagaling talaga ng mga artista, nakakatawa talaga sila.

“Minsan nga hindi namin matapos-tapos ang eksena kasi nagkakagulatan sila sa mga punchlines, uma-adlib kasi sila, eh. Minsan may mag-a-adlib na sobrang nakakatawa, nawawala sila sa character, lalo na nandiyan si Pao. Si John Arcilla din sobrang nakakatawa, pati sina Osang at Carmi,” tuluy-tuloy na kuwento ng director.

Inilarawan din ni Direk Jun kung paano katrabaho ang ttlo niyang bida sa The Panti Sisters.

“As always, si Paolo is very professional. He does his own makeup. Siya yung gumagawa ng sarili niyang wig na isusuot. Dumadating siya sa set ahead of all the cast, mga two hours bago pa dumating yung ibang cast nasa set na siya, kasi matagal yung makeup niya, matagal yung preparation niya.

“Ang lalaki ng gowns na ipinasuot namin sa kanya sa pelikulang ito, ang bibigat talaga. Host siya dito sa comedy bar, parang drag queen, kaya bongga yung mga damit niya, parang RuPaul yung peg niya. Palagay ko naman matutuwa rin yung mga manonood sa kanya kasi ibang-ibang ito sa Die Beautiful.

“Si Christian naman ever since ang galing-galing na niya bilang Barbs sa Die Beautiful, ganundin dito. At saka nag-prepare din siya, namili rin siya ng costumes niya sa Divisoria. Pinaghandaan talaga niya yung role niya at kitang-kita yun sa performance niya.

“Si Martin is very professional, he’s always in character. I think ang laking preparation sa kanya yung ginawa niya sa Born Beautiful kasi pagpasok niya sa pelikulang ito reading pa lang in character na siya e. Ang laki rin ng iginaling niya sa comedy kasi sa Born Beautiful kinakabahan pa siya, nagdadalawang-isip pa siya kung kaya niya o hindi. Dito hindi, nakipagsabayan talaga siya kina Paolo at Christian,” kuwento niya tungkol sa tatlong aktor.