“Pagkatapos itakwil ang isa’t isa ng pitong taon, Rosanna Roces at anak na si Onyok nagkabati na”

thumbnail

Ibinahagi din ni Rosanna Roces ang pinakamatinding dahilan daw kung bakit itinakwil niya noon ang anak.

Nitong panahon ng pandemic ay dumating ang pagkakataon na magkaayos sina Rosanna Roces at ang bunsong anak niyang si Onyok (Dennis Robert Adriano), 31, na nakaalitan niya ng halos walong taon.

Matindi ang naging away nina Osang at Onyok noon na humantong para itakwil nila ang isa’t isa bilang mag-ina.

Inasahan ba niya na magkakabati pa silang mag-ina ngayong panahon ng pandemic?

“Ine-expect ko na papunta na rin doon. Kasi parang lumalambot na rin ako, eh,” sagot ng aktres.

“Padala ng ganito, padala ng ganyan, dadaan kay Grace (panganay na anak ni Osang). Ang hirap ng may iniisip, lalo pag Pasko. Hindi mo alam kung ano ang kinakain, kung nasaan… yung ganun.

“Ganun kasi ang ina. Pag sobrang magmahal, sobra ring masaktan. Kesa masaktan ka nang masaktan, bibitaw ka na lang! Cut ties!” kuwento pa niya.

Ang pinakamatinding dahilan daw kung bakit itinakwil niya noon ang anak ay dahil sinaktan siya nito.

“Sinaktan niya ako, physically. Parang hindi na kaya ng utak ko yon. Hindi kinaya ng puso ko,” pagre-recall niya.

Pagkatapos magkabati ay aminado ang award-winning actress na mas naging close sila ngayon ni Onyok. Gusto rin daw nitong sumama sa bahay na bibilhin nila ni Blessy Arias (partner ni Osang).

“Iyan talaga ang nakabuntot nang nakabuntot sa akin. Kasi paborito kong anak yang si Onyok. Maka-nanay talaga yan. Minsan talaga, yung pinakagago mong anak, yon ang pinakamapagmahal. Eight years ng buhay niya, wala ako. Mabuti rin, may natutunan din sila,” lahad ng aktres.

Ikinuha ni Osang ng nirerentahang apartment si Onyok na malapit lang sa panganay niyang anak na si Grace.

“Ikinuha ko ng apartment doon. Ako yung nag-down ng apat na buwan. Kasi, nawalan ng trabaho. Dati, sa call center siya,” aniya.

Paano ba sila nagkabati ng anak? Sino ang unang nag-reach out?

“Ako yung, ‘Grace, ibigay mo ito sa kapatid mo.’ Kasi ayokong nai-stress si Grace,” paliwanag ni Osang.

Lagi raw kasi si Onyok sa bahay ni Grace at inuutangan pa nito ang kapatid.

“Ako kasi, iniisip ko, pandemic, saan tutuloy ito?  Walang matirhan. Eh, for a while, kay Grace tumira. So, si Grace, nai-stress.

“‘Sige, ihanap mo ng apartment, bayaran ko ng apat na buwan.’ Kahit na sabihin mong walang pumapasok na income, sige na.

Ayon pa kay Osang, naniniwala siya na napaghihilom talaga ng panahon ang mga sugat sa puso.

“Nagagamot talaga! Kaya kung sa iba, malas itong pandemic, swerte ko itong 2020. Napakaganda ng 2020 ko, totoo!” masaya niyang pahayag.

Samantala, gagampanan ni Osang ang papel bilang asawa ni Allan Paule at ina ng anak ng macho dancer.

“Iba siya. Napilitan akong mag-prosti. Ako ang ina ng anak ng macho dancer. At bilang artista, kung ano ang hingin ng role ko, pwede kong ibigay. Kasi, tinanggap ko ito, eh. So, pag hiniling ni Direk Joel (Lamangan) na, ‘Bakla, ipakita mo ang suso mo,’ ipapakita ko, okey lang,” diin pa ni Rosanna.

Back To Top